Drug bust: Anak ni Faeldon, 3 pa timbog
MANILA, Philippines — Apat na lalaki na kinabibilangan ng anak ni Bureau of Corrections (BUCOR) Director Nicanor Faeldon Sr. ang naaresto ng mga otoridad sa isang anti-drug operations kahapon ng madaling araw sa Naga City, Camarines Sur.
Ang mga nasakoteng suspect ay kinilalang sina Nicanor Faeldon Jr., 32, college student; Russel Bermudo Lanuzo alyas Bubbles, negosyante; Allan Valdez, 44 at Manuel Nebres, 39.
Sa report ni Sr. Supt. Felix Servita, hepe ng Naga City Police, bandang alas-5:00 ng umaga nang magsagawa ng anti-drug operations ang pinagsanib na elemento ng Drug Enforcement Unit (DEU) sa ilalim ng superbisyon ni Supt. Errol Garchitorena Jr., Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at 9th Military Intelligence Battalion (MIB) ng Army’s 9th Infantry Division (ID).
Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Timoteo Panga Jr.,Vice Executive ng RTC Branch 60 ng Iriga City at sinalakay ng mga otoridad ang bahay ng negosyanteng si Lanuzo sa Zone 4, San Miguel Street, Brgy. Mabolo, Naga City na umano ay nagsisilbing drug den sa talamak na bentahan ng droga sa lugar.
Sinabi ni Servita na si Lanuzo ang pakay ng kanilang operasyon kung saan sa nasabing raid ay nasakote ito at tatlong iba pa kabilang ang batang Faeldon.
Nakumpiska sa operasyon ang pitong transparent sachet ng shabu mula kay Lanuzo habang limang gramo naman ng droga kay Buenavente at isang cal. 22 pistol. Nasa 15 gramo naman ng shabu ang nakuha mula kay Salcedo.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na si Faeldon Jr., ay bumisita lamang sa kaniyang girlfriend na si Sandra May na anak ni Lanuzo. Nakatakda namang isalang sa drug test ang anak ng BUCOR Chief . Jorge Hallare
- Latest