Tatlong dump truck sinunog ng NPA rebels
MANILA, Philippines — Tatlong airconditioned dump truck ang sinunog ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) noong Sabado ng gabi sa Barangay Kasuga, Magsaysay, Davao del Sur.
Sa ulat na nakarating kay Senior Superintendent Allan Manibog, Provincial Police Director ng Davao del Sur na ang panununog ay naganap pasado alas-7:00 ng gabi.
Bago ito ay pinara ng nasa 10 armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mga rebeldeng NPA na pinamumunuan ni Commander Borjack ang tatlong dump truck at pinababa ang mga drayber bago binuhusan ng gasolina at sinilaban.
Nabatid na noong nakaraang linggo ay nakatanggap ng banta na susunugin ang mga equipment ng Jejors Constructions na nakabase sa Cagayan de Oro City na naka kontrata sa paggawa ng kalsada mula sa Magsaysay patungo sa Matanao.
Nabatid na kaya sinunog ang mga dump truck ay dahil nabigo ang mga ito na magbigay ng revolutionary tax.
Tinatayang nasa P4.2 milyon ang halaga ng isang dump truck habang ang dalawang iba pa ay nagkakahalaga ng tig P3.8 milyon ang bawat isa.
- Latest