Peter Lim tugis ng PNP at NBI
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation na kanila nang tinutugis ang umano’y drug kingpin na si Peter Lim matapos na magpalabas noong Martes ng warrant of arrest ang korte.
Ayon kay PNP Spokesperson Sr. Supt. Bong Durana na bumuo na sila ng tracker teams upang tumugis kay Lim, matapos magpalabas ang Makati RTC Branch 65 ng warrant of arrest at hold departure order.
Umapela rin sila sa publiko na kung mayroon silang impormasyon kung saan nagtatago si Lim ay agad na ipaalam sa kanila.
Sinabi rin ni NBI spokesperson Deputy Director Ferdinand Lavin, na nag-utos na rin si NBI Deputy Director Antonio Pagatpat sa lahat ng regional NBI directors na tugisin si Lim.
Nag-ugat ang kaso matapos na magsampa ng reklamo ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kina Lim, Kerwin Espinosa, Marcelo Adorco, at Ruel Malindangan.
Sa nasabing kaso si Lim ay sinasabing source ng “shabu” na ibinebenta sa “Espinosa group” sa Regions 7 at 8 noong 2013 at 2014.
Magugunita na si Pangulong Rodrigo Duterte ang tumukoy na si Lim ang big time drug lord habang si Espinosa ay nagsabi na siya ay sangkot sa drug trade.
- Latest