21 construction projects sa Makati, ipinatigil
MANILA, Philippines — Dalawampu’t isang on-going construction projects ang ipinatigil ng pamahalaang lungsod ng Makati matapos lumabag ang mga ito sa Building Code.
Ipinag-utos ni Makati City Mayor Abby Binay sa Officer-In-Charge ng Office of the City Building Official (CBO) na si Elmer Acuesta, na mag-issue ng Notices with Stoppage Order para sa pagpapatigil ng 21 construction projects dahil sa paglabag umano ng mga ito sa probisyong nakasaad sa National Building Code of the Philippines o P.D. 1096.
Ang mga may violation na construction project ay matatagpuan sa Brgy. Cembo, East Rembo, West Rembo, Palanan, Kasilawan, Poblacion, Pinagkaisahan, San Isidro, San Lorenzo, Guadalupe Nuevo, Pitogo, Bangkal, at San Antonio.
Ayon kay Binay, ang pagpapatigil ng mga naturang proyekto ay nagsisilbing paalala sa lahat na ang pagpapatayo o paggawa ng anumang istraktura, residential man o pang-komersyo ay kinakailangang alinsunod sa batas.
Sinabi naman ni Acuesta, nilabag ng mga kontraktor ang Section 301 at Section 1102 ng Building Code, pati na ang Rule XI para sa Protection of Pedestrians during Construction or Demolition, sa ilalim ng revised Implementing Rules and Regulations nito.
Nilinaw din ng opisyal na ang work stoppage order ay may bisa hangga’t makakuha ng mga kaukulang permit ang may-ari ng mga ito.
- Latest