Digong desididong kumalas sa ICC
MANILA, Philippines — Iginiit kahapon ng Palasyo na desidido na si Pangulong Rodrigo Duterte na kumalas mula sa International Criminal Court (ICC).
Sinabi ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar kahapon na hindi mapipigilan ang desisyon ni Pangulong Duterte sa panawagang dialogue ng legislative arm ng ICC.
“Desidido na ang Pangulo sa kanyang pasya. Tuloy ang withdrawal. Nakikita na one-sided ang ICC at kung anu-ano ang mga sinasabi nila,” paliwanag pa ni Sec. Andanar.
Aniya, nais palabasin ng ICC na hindi gumagana ang judicial system ng bansa kaya nais nilang makialam.
“Sabi nila na hindi kayang idaan sa judiciary ang pagresolba ng mga kaso. Eh, nakita naman natin na may naipakulong na tayong dalawang pangulo noon ... gumagana ang ating judicial system,” paliwanag pa ni Andanar.
Idinagdag pa nito, maging ang powerful countries na US, Russia at China ay hindi niratipikahan ang Rome Statute na nagtayo sa ICC.
- Latest