2 nakamotorsiklo todas sa truck
MANILA, Philippines – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang dalawang katao na sakay ng isang motorsiklo matapos na sila ay salpukin ng dump truck sa national highway ng Brgy. Cauringan, Sison, Pangasinan kahapon ng madaling araw. Ang mga nasawi dahil sa matitinding sugat sa katawan ay kinilalang sina Jerry Salinas, 35, driver ng motorsiklo at backrider nitong si Aira Rizza Navarro, 16. Nilalapatan naman ng lunas sa pagamutan ang driver ng Isuzu mini dump truck (RFM 243) na si Joemarie Agtarat, 20.
Batay sa ulat, dakong alas-12:37 ng madaling araw ay kasalukuyang bumabagtas ang kulay itim na motorsiklong Blaze na walang plaka na minamaneho ni Salinas kaangkas si Navarro sa nasabing highway nang suwagin ng kasalubong na Isuzu dump truck ni Agtarat. Ang mga nasawi ay patungo sana sa katimugang direksyon habang north bound naman ang Isuzu dump truck nang mangyari ang sakuna.
Sa pagsusuri ng mga doktor kay Agtarat ito ay nasa impluwensya ng alak ng mangyari ang insidente at kinasuhan ito ng reckless imprudence resulting to double homicide at damage to property.
- Latest