
Malaysian na bihag ng Sayyaf, pinalaya
MANILA, Philippines - Matapos ang humigit kumulang na anim na buwan sa kamay ng mga bandidong Abu Sayyaf Group matapos na dukutin noong Hunyo 16 sa isang fish farm sa Kunak, Tawau District sa Malaysia ay pinalaya na ang bihag na Malaysian national kamakalawa sa lalawigan ng Sulu.
Kinilala ni Captain Rowena Muyuela, Spokesperson ng AFP- Western Mindanao Command, ang pinalayang bihag na si Kun Mun Hua alyas Chan Sai Chuin, 32.
Batay sa ulat, bandang alas-11:00 ng gabi nang pakawalan ng mga kidnappers si Hua sa Sitio Timahu, Brgy. Tubig Dakula, Indanan ng lalawigan.
Ang biktima ay agad na isinakay sa isang speed boat at mabilis na iniuwi sa Sandakan, Sabah, Malaysia matapos na mailigtas.
Hindi pa malinaw kung nagkaroon ng bayaran ng ransom kapalit ng pagpapalaya kay Hua.
Magugunita na una nang napaulat na nagbanta ang mga kidnappers na papatayin si Hua kapag hindi naibigay ng pamilya nito ang 3 M ringgits (P42 M) kapalit ng kaniyang kalayaan.
- Latest