Manalili-less Knights sasagupa sa Cardinals

MANILA, Philippines — Balik sa porma ang Colegio de San Juan de Letran matapos ang impresibong panalo sa huli nilang laro kontra Lyceum of the Philippines University.
Kasalukuyang nasa tuktok ang Letran sa Group B ng team standings tangan ang 4-2 record at pakay nilang sibatin ang pangalawang sunod na panalo ngayong alas-3 ng hapon kontra Mapua University sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament sa Playtime FilOil sa San Juan City.
Bawas ang puwersa ng Knights dahil hindi makakalaro ang kanilang star guard na si Jonathan Manalili na nagkaroon ng injury nang talunin nila ang Pirates noong Oktubre 8.
Kasalukuyang nagpapagaling si Manalili ayon kay coach Allen Ricardo at dahil sa Nobyembre na ito makakalaro.
“Just a sprained knee. Nothing serious, kailangan lang ng full recovery,” ani Ricardo na sasandalan din sina Jimboy Estrada, Denzil Walker at Chad Gammad.
Sina Estrada, Walker, Gammad at Manalili ang mga naging susi sa panalo ng Letran sa Lyceum kaya nakalsuhan nila ang two-game losing skid.
Inaasahang dadaan sa butas ng karayom ang Knights dahil nagliliyab ang laro ng Cardinals mula sa kinadenang tatlong sunod na panalo.
Nasa pang-apat na puwesto ang Mapua sa Group A hawak ang 3-3 baraha at sina Cyrus Cuenco at Ivan Lazarte ang ipaparada nila para masilat ang ang Letran.
Samantala, maghaharap sa alas-5 ng hapon ang Jose Rizal University na tangan ang 5-1 karta at Emilio Aguinaldo College na may 2-4 record.
- Latest






















