Quezon City handa na para sa hosting ng 2027 Palarong Pambansa
MANILA, Philippines — Handa na ang Quezon City na maging sentro ng national sports uli matapos ang 61 na taong paghihintay bilang susunod na host ng ika-67 na edisyon ng Palarong Pambansa sa 2027.
“The 2027 Palarong Pambansa is a full circle moment for our city. Since then, our city has been home to some of the most defining moments in Philippine sports history,” ani QC Mayor Joy Belmonte, na personal na tinanggap ang Palaro hosting torch at banner mula kay Governor Santiago Cane Jr. ng Agusan del Sur sa pagtatapos ng 66th Games kamakalawa sa Datu Lipus Makapandong D.O. Plaza Sports Complex.
Taong 1966 pa kung kailan binuksan ang Amoranto Sports Complex nang huling maging host ng Palaro ang Quezon City, kilala bilang sentro ng Philippine entertainment at media industry bago maging bida sa sports naman ngayon.
At Amoranto Sports Complex din ang inaasahang maging primerang venue ng QC na sasalubong sa tinatayang 20,000 delegado mula sa 18 rehiyon kabilang na ang National Academy of Sports at Philippine Schools Overseas.
Kasalukuyang nasa renobasyon ang Amoranto tampok ang 15,000-capacity stadium at grandstand world class standard 8-lane track oval, 8-lane Olympic-sized swimming, football field, basketball at volleyball gyms, badminton at table tennis court, tennis at pickleball courts, weightlifting at boxing gym, billiards hall at iba pa.
Bukod sa Amoranto, napipisil ding maging main venues ang University of the Philippines sa Diliman at Smart-Araneta Coliseum sa Cubao.
Sakto ang hosting ng QC dahil ito ang kinukunsiderang pinaka-accessible na syudad sa buong bansa tampok ang terminals mapa-lupa, dagat himpapawid man.
Dito nakapila ang mga bus pa-Pier ng Maynila, Batangas at Sorsogon, pa-NAIA sa Pasay City at Clark International Airport sa Pampanga pati na ang 3 main train lines ng NCR na LRT-1, LRT-2 at MRT-3.
Kasama ang QC, pinagharian ng Metro Manila sa ika-19 na sunod na pagkakataon ang Palaro sa Agusan del Sur bilang first time host matapos lumambat ng 91 ginto, 70 na pilak at 71 na tansong medalya.
Kinumpleto ng CALABARZON (55-50-60) at Davao Region (33-32-35) ang podium.
- Latest



















