4 teams bardagulan sa Semis

TNT vs Rain or Shine; SMB kontra Ginebra
MANILA, Philippines — Mag-uunahan sa manibela ang apat na koponang natitirang nakatindig upang maitakda ang kahihinatnan ng bigating duwelo sa 2025 PBA Philippine Cup semifinals ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay.
Unang magpapangbuno ang Talk ‘N Text at Rain or Shine sa alas-5 ng hapon tsaka ang bakbakan sa pagitan ng sibling rivals na San Miguel Beer at Barangay Ginebra sa main game ng double-header sa alas-7:30 ng gabi.
Magkaibang daan ang tinahak ng 4 na koponan kaya siguradong hindi papatinag sa isa’t-isa lalo na’t nakataya ang krusyal na 1-0 abante sa best-of-seven Final Four series.
Halos hindi pinawisan sa quarterfinals ang No. 1 na SMB at No. 4 na Ginebra matapos pauwiin ang kanilang mga karibal sa isang subok lamang.
Nilasing ng mga manok ni coach Leo Austria ang reigning champion pero naging No. 8 seed na Meralco Bolts, 108-97, habang kinaldag ng mga bataan ni coach Tim Cone ang No. 5 na Converge FiberXer, 88-80.
Armado ng twice-to-beat incentives ang Top 4 na koponan sa All-Filipino tournament na siyang sinulit ng SMB at Ginebra.
Taliwas ito sa natamo ng No. 2 seed na NLEX at No. 3 na Magnolia na sinilat ng No. 6 na TNT sa gabay ni mentor Chot Reyes at No. 7 na Rain or Shine sa trangko ni coach Yeng Guiao para makasingit sa semifinals.
Bilang patunay sa kalibre nito nang pagharian ang Governor’s Cup at Commissioner’s Cup, umeskapo ang Tropang 5G sa Hotshots sa Game 1, 89-88, at Game 2, 80-79, sa parehong game-winning free throws ni Kelly Williams.
- Latest