Kai tutulak din sa Saudi
MANILA, Philippines — Bahagi ng delegasyon ng Gilas Pilipinas si Kai Sotto na magtutungo sa Jeddah, Saudi Arabia para sa 2025 FIBA Asia Cup na magsisimula sa Agosto 5.
Ito ang inihayag ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone ngunit nilinaw nito na makakasama si Sotto pero hindi ito maglalaro.
Nasa recovery period pa ang 7-foot-3 Pinoy cager matapos sumailalim sa operasyon dahil sa tinamo nitong ACL injury.
Kaya naman, magsisilbing cheerleader muna ito ng Gilas Pilipinas na sasabak sa FIBA Asia Cup.
“Right now Kai is scheduled to go to Jeddah with us as cheerleader. He wants to support the team.. (But) he’s not ready to play,” ani Cone sa programang Power and Play.
Ibinahagi ni Cone na posibleng makasama na ng Gilas Pilipinas si Sotto sa Nobyembre — ang pinakamaagang maari itong makabalik sa aksyon.
Sasalang ang Gilas Pilipinas sa 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa naturang buwan.
Ngunit ayaw ni Cone na madaliin ang pagbabalik ni Sotto.
Kailangan muna nitong makakuha ng clearance mula sa kanyang mga doktor bago makapaglaro.
Sa Enero at Pebrero ang perpektong petsa para tuluyang makabalik sa paglalaro si Sotto.
“The earlier, I’m saying this lightly is November. Even then I don’t think he’ll be ready in November, but January or February. Fingers crossed, if everything comes perfect for him, we see him on November,” ani Cone.
Sa ngayon, sesentro muna ang atensiyon ni Sotto sa tuluyang pagpapagaling para matiyak na nasa tamang kundisyon na ito.
Matinding laban ang haharapin ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup qualifiers dahil makakalaban nito ang malalakas na tropa gaya ng Australia at New Zealand.
Kaya naman kailangan na kailangan si Sotto sa bawat laro ng Gilas Pilipinas.
Babanderahan ang tropa ni naturalized player Justin Brownlee ngunit kailangan nito ng solidong suporta mula sa mga local players.
- Latest