Akari pinatumba ng Cignal

MANILA, Philippines — Winalis ng Cignal HD ang Akari, 25-23, 25-14, 25-23, sa pagbubukas ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour kahapon sa Chavit Coliseum sa Vigan, Ilocos Sur.
Humataw ang bagong hugot na si Erika Santos ng 14 attack points, habang may 11 markers si Tin Tiamzon para banderahan ang HD Spikers.
“Pinaghandaan naman talaga namin ito eh. Maayos naman iyong connection at maganda iyong outcome,” sabi ni Santos na dating naglaro para sa PLDT High Speed Hitters.
Nagdagdag si Ishie Lalongisip ng siyam na puntos at may walo at pitong marka sina Roselyn Doria-Aquino at Jacquie Acuna, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Eli Soyud ang Chargers sa kanyang 12 points at may 11 markers si Grethcel Soltones.
Nakatakdang labanan ng Cignal ang Capital1 Solar Energy ngayong alas-4 ng hapon, habang sasagupain ng Akari ang Creamline sa alas-6:30 ng gabi.
Matapos itakas ang 25-23 panalo sa first set ay kumamada ang HD Spikers ng isang 13-1 atake sa likod nina Santos at Tiamzon patungo sa 25-14 dominasyon sa Chargers.
Nakatikid ang Akari sa 23-24 sa third frame.
Ngunit ang net violation ni Soyud matapos ang serve ni Soltones ang sumelyo sa panalo ng HD Spikers.
- Latest