PVL on Tour hahataw ngayon sa Vigan
MANILA, Philippines — Dalawang matinding laro ang magbubukas sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour sa Vigan, Ilocos Sur.
Lalabanan ng Creamline ang Capital1 Solar Energy ngayong alas-6:30 ng gabi, habang maghaharap sa alas-4 ng hapon ang Cignal HD at Akari sa Chavit Coliseum.
“Four of the top teams in the league are here, setting the stage for an exciting and competitive tournament. These teams aren’t just competing; they’re here to inspire, to connect and to engage,” ani PVL president Ricky Palou.
Hinati ang 12 teams sa dalawang grupo na sasalang sa isang single round-robin elimination mula Hunyo 22 hanggang Hulyo 29.
Ang top two teams mula sa dalawang grupo ang papasok sa quarterfinals habang ang third hanggang sixth placers ay maglalaro sa knockout play-in round para madetermina ang kukuha sa mga natitirang quarterfinal slots
Nasa Pool A ang Petro Gazz, Choco Mucho, PLDT, Galeries Tower, Farm Fresh at Nxled, habang ang Pool B ay binubuo ng Creamline, Chery Tiggo, Cignal, Akari, ZUS Coffee at Capital1.
Si team captain Alyssa Valdez ang muling gagabay sa Cool Smashers kasama ang mga bagong hugot na sina middle blockers Sheena Toring at Nica Celis.
Si Sherwin Meneses pa rin ang hahawak sa Cool Smashers habang si Alas Pilipinas coach Jorge Souza de Brito ang gigiya sa Solar Spikers.
Sina Jia De Guzman ng Creamline at No. 1 overall pick Bella Belen ng Capital1 ay hindi makikita sa PVL on Tour dahil kasalukuyan silang kasama ng Alas Pilipinas sa preparasyon para sa mga lalahukang international tournaments.
- Latest