Gilas training aarangkada sa June 30
MANILA, Philippines — Maagang sisimulan ang training camp ng Gilas Pilipinas para paghandaan ang 2025 FIBA Asia Cup na idaraos sa Agosto sa Jeddah, Saudi Arabia.
Sinabi ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na magsisimula ang training camp sa Hunyo 30.
Maaga ito kumpara sa orihinal na plano na Hulyo 27.
Ayaw na ni Cone na patagalin pa ang pagsisimula ng ensayo dahil matinding laban ang haharapin ng Gilas sa FIBA Asia Cup.
Orihinal sanang tatapusin muna ang PBA Philippine Cup bago magsimula ang training camp ng Gilas Pilipinas.
Sa kasalukuyan, nasa quarterfinal round na ang Philippine Cup at inaasahang matatapos sa huling bahagi ng Hulyo.
Subalit ayaw ni Cone na maghintay pa.
Kailangan nang masimulan ang ang preparasyon para mabilis na makabuo ng chemistry ang Gilas.
Sesentro muna ang atensiyon ni Cone sa Philippine Cup kung saan pasok ang Barangay Ginebra sa semis laban sa San Miguel Beer.
Habang wala si Cone, mamanduhan muna nina assistant coach Sean Chambers at Richard Del Rosario ang training camp ng Gilas.
Sa oras na matapos ang duties ni Cone sa PBA, agad itong lilipat sa Gilas para masigurong nasa perpektong kundisyon ang kanyang tropa.
“I’ll handle the practices if im not in the finals. While I’m still with Ginebra, Richard and Sean wil handle the team,” ani Cone.
Target ni Cone na magkaroon ng 18 ensayo kasama ang mga tuneup games bago ang pagsabak nito sa FIBA Asia Cup sa Agosto 5.
Inaasahang darating na sa bansa si naturalized player Justin Brownlee na kasalukuyang nasa Amerika matapos magpagaling sa kanyang injury sa kamay.
Mapapalaban ang Gilas Pilipinas sa matitikas na teams sa FIBA Asia Cup na idaraos sa Agosto 5 hanggang 17.
- Latest