‘Winner-take-all’ game 7 hinirit ng Indiana sa OKC

INDIANAPOLIS — Bumira si Obi Toppin ng 20 points at may 17 markers si Andrew Nembhard sa 108-91 pagganti ng Indiana Pacers sa Oklahoma City Thunder sa Game 6 at itabla sa 3-3 ang kanilang serye para pumuwersa ng ‘winner-take-all’ Game 7 sa NBA Finals.
Ito ang magiging unang Game 7 sa NBA Finals simula noong 2016 at gagawin ito sa Oklahoma City sa Lunes (Manila time).
“The ultimate game,” sabi ni Pacers coach Rick Carlisle na nakahugot kay Pascal Siakam ng 16 points at 13 rebounds at nagdagdag si Tyrese Haliburton -ng 14 markers bagama’t may strained right calf.
Nakuha ni Haliburton ang nasabing injury sa 109-120 kabiguan ng Indiana sa Oklahoma City sa Game 5.
Kumolekta si guard T.J. McConnell ng 12 points, 9 rebounds at 6 assists mula sa bench ng Pacers.
Tumapos si NBA MVP Shai Gilgeous-Alexander na may 21 points para sa Thunder na iniupo ang kanilang mga starters matapos mahulog sa isang 30-point deficit papasok sa fourth period.
Nag-ambag si Jalen Williams ng 16 points.
“Credit Indiana,” wika ni Oklahoma City coach Mark Daigneault.
Naimintis ng Indiana ang una nilang walong tira sa pagsisimula ng first period at naiwanans a 2-10.
Ngunit bumanat ang Pacers ng 36 points sa kabuuan ng second quarter kasabay ng paglimita sa Thunder sa 17 markers para kunin ang 64-42 halftime lead.
Pinalobo pa ito ng Indiana sa 28 points sa third quarter hanggang ipahinga na ni Daignneault ang kanyang mga Oklahoma City starters.
Hangad ng Thunder ang una nilang korona matapos lumipat ang franchise sa Oklahoma City noong 2008 mula nang magkampeon noong 1979 bilang Seattle SuperSonics.
Ang kauna-unahang NBA title naman ang pakay ng Pacers matapos maghari sa American Basketball Association noong 1970, 1972 at 1973.
Sumama naman sila sa NBA noong 1976 bilang bahagi ng ABA-NBA merger.
- Latest