Meralco iniligwak ng SMB

MANILA, Philippines — Itinagay ng San Miguel ang unang tiket sa semifinals matapos ilaglag ang karibal at reigning champion Meralco, 108-97, sa 2025 PBA Philippine Cup quarterfinals kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Nagbuhos ng 14-3 simula ang No. 1 Beermen at hindi na lumingon para sa matamis na higanti sa No. 8 Bolts sa kanilang rematch.
Yumukod ang SMB sa Meralco, 2-4, noong 2024 PBA All-Filipino Finals.
Subalit hindi sa pagkakataong ito upang makapagmartsa agad sa best-of-seven semis kontra sa mananalo sa pagitan ng No. 4 Ginebra at No. 5 Converge tampok ang ‘twice-to-beat’ advantage para sa Gin Kings.
Anim na players ang tumungga ng double-digits para sa Beermen sa pangunguna ng 23 points at 15 rebounds ni eight-time PBA MVP June Mar Fajardo.
Nagbuslo ng apat na tres si Juami Tiongson para sa 19 points, habang may 19 markers din si Don Trollano para sa mga bataan ni coach Leo Austria.
Umayuda sa kanila sina CJ Perez, Rodney Brondial at Mo Tautuaa na may 14, 13 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.
Nagtayo ang SMB ng hanggang 18 points matapos makalapit ang Bolts sa 75-79 sa dulong bahagi ng third quarter.
Nasayang ang 32 points ni Chris Banchero para sa Meralco na laglag agad sa pagdepensa nila ng unang PBA title.
- Latest