NLEX natakasan ng Rain or Shine

MANILA, Philippines — Naitakas ng No. 7 seed na Rain or Shine ang dikit na 92-89 panalo kontra sa segundang NLEX upang makahirit ng winner-take-all Game 2 sa 2025 PBA Philippine Cup quarterfinals kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig.
Namayani si Jhonard Clarito na humakot ng pambihirang 20 puntos at 21 rebounds na double-double para trangkuhan ang Elasto Painters sa pagbura ng twice-to-beat advantage ng paboritong Road Warriors.
Nakatakda ang Game 2 sa Sabado sa Ninoy Aquino Stadium tampok ang tiket sa Final Four ng All-Filipino tourney.
Tampok sa solidong performance ni Clarito ang 14 puntos sa fourht quarter kabilang na ang pares ng free throws sa huling 10 segundo para palawigin ang bentahe ng Elasto Painters sa 92-89, kasunod ng pagsablay ni Robert Bolick sa tangka nitong four-point game-winner sa buzzer.
Nakaakbay ni Clarito sa panalo si Adrian Nocum na may 20 puntos din sahog pa ang 5 rebounds, 2 assists at 2 steals habang may 16 at 10 puntos sina Santi Santillan at Andrei Caracut, ayon sa pagkakasunod.
“We were just patient. Nag-pasensya lang kami. Basketball is a game of runs. We had our run in the 1st half, they had theirs in the 3rd. Mabuti nalang nakabalik kami noong 4th quarter. It’ sheer hardwork and effort. It’s our desire to extend the series,” ani coach Yeng Guiao.
Nasa bingit ng eliminasyon ang ROS papasok sa duwelo dahil sa twice-to-win disadvantage pero hindi nagpatinang nang sunggaban ang NLEX upang makapagtayo ng maagang 16 puntos na abante, 36-20.
Napanatili ito ng Elasto Painters sa 47-37 sa halftime subalit bumomba ang Road Warriors ng 36-22 ratsada sa third quarter upang maagaw ang manibela sa 73-69.
Napalobo ito ng NLEX sa hanggang 77-69, subalit bumalikwas ang ROS ng 12-1 birada para mabawi ang lamang sa 81-78 matapos ang lay-up ni Clarito na siyang nagbigay-daan sa pukpukang duwelo.
Halos abot na ng Elasto Painters ang panalo sa 90-85 matapos ang tip-in ni Nocum subalit nakapagbuslo ng four-point shot si Bolick bago ang panapos na free throws ni Clarito.
- Latest