Biado markado sa WPA 9-Ball
MANILA, Philippines — Paniguradong nag-eensayo na si two-time world champion Carlo Biado para sa lalahukang World Pool 9-Ball Championship na gaganapin sa Jeddah, Saudi Arabia sa susunod na buwan.
Posibleng markadong cue artist ang 41-anyos na si Biado sa nasabing event na lalahukan ng mga matitikas na bilyarista sa buong mundo sapagkat isa siya sa mga dating kampeon sa naturang tumbukan.
Nakaraang taon ay sinargo ni Biado ang pangalawang world champion nito nang maghari sa World 10-Ball habang ang una ay noong 2017 nang sungkitin ang korona sa World 9-Ball Championship.
Base sa komento ng organizers ng World 9-Ball sa social media, record breaking ang prize fund na $1M ngayong taon at nakataya ang $250,000 o P14M sa magkakampeon sa nasabing prestihiyosong billiards tournament na magsisimula sa Hulyo 21 at magtatapos sa Hulyo 26.
Isa rin sa pagtutuunan ng pansin ang defending champion na si Russian-American pool player Fedor Gorst, tinalo nito sa makapigil-hiningang labanan si Eklent “The Golden Eagle” Kaçi ng Albania nakaraang taon.
Bukod kay Biado, inaasahan din ang iba pang mga Pinoy cue artists na sasali sa tournament kaya tiyak na puspusan na rin ang paghahanda ng iba.
- Latest