Creamline may ace setter ulit
MANILA, Philippines — May magbabalik sa bahay ng Creamline Cool Smashers sa ngalan ni seasoned setter Jia Morado sa muling pagbubukas ng Premier Volleyball League (PVL).
Mismong si Morado na ang nagkumpirma ng magandang balita sa pagbisita nito sa Philippine Sportswriters Association (PSA) forum kahapon.
“Of course, I’m going back to Creamline but I went to a team that knows that I have responsibilities also for the flag,” ani De Guzman.
Nakatakda munang tapusin ni Morado ang kanyang tungkulin bilang team captain ng Alas Pilipinas na sasabak sa iba’t ibang torneo sa taong ito.
Sariwa pa ang Alas Pilipinas sa matagumpay na silver-medal finish sa katatapos na AVC Nations Cup na ginanap sa Hanoi, Vietnam.
Sa naturang torneo itinanghal na Best Setter si Morado.
Matatandaang noong 2023 pa huling naglaro si Morado kasama ang Cool Smashers sa PVL Invitational Conference.
Matapos nito, lumipad patungong Japan si Morado para maglaro kasama ang Denso Airybees sa Japan V. League.
Dalawang seasons din na naglaro si Morado sa Japan.
Sunod na lalahukan ng Alas ang VTV Cup na gaganapin din sa Vietnam habang aarangkada rin ang tropa sa Southeast Asian V. League sa Hulyo.
Pinaghahandaan din ng Alas Pilipinas ang 2025 Southeast Asian Games na gaganapin naman sa Bangkok, Thailand sa Disyembre kung saan pakay ng Pinay squad na makapasok sa podium.
Huling nakasungkit ng medalya ang Pilipinas sa women’s indoor volleyball noon pang 2005 SEA Games na ginanap sa Pilipinas.
- Latest