Bubuhos ng premyo sa PhilCycling Classic
MANILA, Philippines — Bubuhos ang premyo sa pamosong Baguio-Tagaytay PhilCycling Classic ang pinakamahabang road race sa bansa na magtatampok ng 292 kilometro.
Aarangkada ang karera sa Lunes mula sa Camp John Hay at matatapos sa Crisanto de los Reyes Avenue sa tapat ng bagong gawang Tagaytay City Velodrome.
Nakalaan ang halos P1 milyong premyo.
“It’s a race of speed, endurance and everything an elite cyclist has in his arsenal,” ani Abraham “Bambol” Tolentino na pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC) at PhilCycling kasabay pa ang pagiging mayor ng Tagaytay City.
Itatampok sa naturang karera ang Top 30 finishers sa ginanap na Tour of Luzon: The Great Revival kamakailan.
Nakalaan ang P100,000 para sa magkakampeon sa torneong suportado ng Metro Pacific Tollways Corp. ni Manuel V. Pangilinan at San Miguel Corp. Infrastructure ni Ramon S. Ang.
Ito ang unang pagkakataon na magkakaroon ng karera na daraan sa major expressways—TPLEX, SCTEX, NLEX, Skyway, SLEX at CALLAX— at sa Cavite East West Lateral Road na matatapos sa International Cycling Union-standard, 250-meter at wooden indoor Tagaytay City Velodrome.
Ang event ay selebrasyon kasabay ng Olympic Day, World Bicycle Day, velodrome inauguration at Tagaytay City’s 87th Charter Day anniversary na gaganapin naman sa Sabado.
Magkakaroon din ng contract signing ng Filipino athletes para sa Olympic Solidarity scholarship program para sa Los Angeles 2028 Olympics.
- Latest