Alas pilak sa AVC Nations Cup

MANILA, Philippines — Naibulsa ng Alas Pilipinas ang silver medal sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Women’s Volleyball Nations Cup na ginanap sa Hanoi, Vietnam.
Yumuko ang mas batang Alas Pilipinas laban sa mas beteranong Vietnamese squad sa finals ng Nations Cup sa iskor na 25-15, 25-17, 25-14 dahilan para magkasya lamang sa ikalawang puwesto ang Pinay squad.
Ngunit higit pa sa gintong medalya ang kinang ng silver medal ng Alas Pilipinas dahil ito ang kauna-unahang podium finish ng Pilipinas sa anumang Asian-level tournament sa nakalipas na mga dekada.
Kaya naman hindi maitago ni Brazilian head coach Jorge Souza De Brito ang saya nito dahil nagbubunga na ang kanyang programa.
“We’re happy for second place, we’re on the way. It’s a process,” ani De Brito.
Umaasa si De Brito na magpapatuloy ang programa sa tulong ng Philippine National Volleyball Federation.
“With the full support of the federation, there are really good players that you have to develop and the group will become stronger and stronger year after year,” dagdag ni De Brito.
Tatlong miyembro ng Alas Pilipinas ang binigyan ng individual awards sa pangunguna ni team captain Jia Morado na pinangalanang Best Setter sa torneo.
“This silver medal is amazing, it means everything. It’s hard to see the growth of the sport [in the country] without this result achieved by the team,” ani Morado.
Pasok din sa individual awardees sina Angel Canino bilang Best Outside Hitter at Dell Palomata bilang Best Middle Blocker.
Ang silver-medal finish ng Alas Pilipinas ay mas makinang sa tansong medalyang nakuha nito noong nakaraang taon sa parehong torneo.
Saludo si Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Tats Suzara sa ipinamalas ng Alas Pilipinas.
Nangako ito sa patuloy na suportang ibibigay nito sa programa hindi lamang sa Alas Pilipinas women maging sa Alas Pilipinas men.
- Latest