WBA interim belt nasikwat ni Donaire

MANILA, Philippines — Tagumpay ang pagbabalik sa ring ni four-division world champion Nonito Donaire matapos ang ilang taon na pamamahinga sa boksing.
Inilabas ng Filipino-American fighter ang kanyang bangis upang pataubin si Andres Campos ng Chile via technical decision para makuha ang World Boxing Association (WBA) interim bantamweight belt kahapon sa Casino Buenos Aires sa Buenos Aires, Argentina.
Nagtamo ng sugat si Donaire dahil sa headbutt kung saan patuloy ang pagdaloy ng dugo sa kanyang kanang mata sa ninth round dahilan para itigil ang laban.
Dahil dito, nagdesisyon ang referee na pagbasehan ang scorecards matapos itigil ang laban.
Lamang si Donaire sa tatlong mga hurado kung saan nakakuha ito ng 87-84, 87-84 at 88-83 puntos para makuha ang technical decision win.
Umangat si Donaire sa 43-8 rekord tampok ang 28 knockouts habang bagsak naman si Campos sa 17-2-1.
Mas bata ng di hamak si Campos na nasa 28-anyos lamang kumpara kay Donaire na nasa 42-anyos na.
Subalit hindi ito naging hadlang sa Pinoy champion para makuha ang panalo dahil naging armas nito ang kanyang malalim na karanasan.
Ito ang unang panalo ni Donaire sapul noong kanyang huling laban.
Matatandaang natalo si Donaire kay undisputed champion Naoya Inoue ng Japan noong 2022 kung saan naitarak ng Japanese ang second round knockout win.
Hindi rin pinalad si Donaire nang makaharap nito si Mexican Alejandro Santiago na nanalo via unanimous decision noon namang 2023.
Inaabangan na ni Donaire ang susunod na makakasagupa nito.
Ang mananalo sa pagitan nina WBA bantamweight champion Antonio Vargas ng Amerika at Daigo Higa ng Japan sa Hulyo 30 ang haharapin ni Donaire sa kanyang sunod na laban.
- Latest