Calculus tantyado ang mga kalaban sa 3-YO Maiden race
MANILA, Philippines — Kalkulado ng Calculus ang haba ng karera kaya naman walang kahirap-hirap nitong sinikwat ang panalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race (Placers) na nilarga sa Metro Turf, Malvar Tanuaan City, Batangas noong Sabado ng hapon.
Dumiskarte si jockey Christian Advincula sa largahan, ipinuwesto lang ang Calculus upang sundan ang matulin sa alisan na Giselle’s Touch na lamang ng dalawang kabayo sa backstretch.
Pagsapit sa kalagitnaan ng karera ay kinapitan na ng Calculus ang Giselle Touch kaya naman papalapit pa lang ng far turn ay naagaw na ng winning horse ang bandera.
Pagdating ng hometurn ay nasa dalawang kabayo na ang lamang ng Calculus habang nasa pangalawang puwesto ang Gypsy Rhythm habang naupos na sa pangatlong puwesto ang Giselle’s Touch.
Sa rektahan ay halos kuha na ng Calculus ang panalo kaya tumawid ito sa meta ng may walong kabayo ang agwat sa sumegundong Gypsy Rhythm, pangatlo ang Cervez habang pang-apat ang Sir Alladin.
Nirehistro ng Calculus ang tiyempong 1:25.4 minuto sa 1,400 meter race.
- Latest