Alas women tuloy sa pagsulong
MANILA, Philippines — Hindi maawat ang pagsulong ng Alas Pilipinas women na muling umangat sa puwesto nito sa FIVB world rankings.
Malaking tulong ang magandang kampanya nito sa 2025 Asian Volleyball Confederation (AVC) Women’s Volleyball Nations Cup sa Hanoi, Vietnam.
Nasa No. 56 ang Alas Pilipinas bago magsimula ang AVC Nations Cup.
Subalit unti-unting sumulong ang Pinay spikers matapos magtala ng sunud-sunod na panalo para gumanda sa No. 46 ang puwesto nito sa world rankings.
Isa sa nagpaangat sa Alas Pilipinas ang impresibong panalo nito sa semifinals laban sa Chinese-Taipei noong Biyernes ng gabi, 25-17, 25-21, 18-25, 15-25, 15-12.
Maliban sa Chinese-Taipei, pinatumba din ng Alas Pilipinas ang Mongolia, New Zealand at Kazakhstan sa group stage upang makalikom ng puntos.
“The program is working,” ani Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon “Tats” Suzara na siya ring AVC head at executive vice president ng FIVB.
Masaya si Suzara sa patuloy na pag-angat ng Pilipinas dahil na rin sa magandang programa.
Bago pumasok si Suzara noong 2021, ang national women’s team ay nasa No. 156 sa 222-nation FIVB list.
Umangat ito sa No. 66 noong 2023 habang mas lalo pa itong nagningning sa No. 58 noong 2024.
Nakatakda pang harapin ng Alas Pilipinas ang Vietnam sa finals Sabado ng gabi.
- Latest