Obiena babawi sa Stockholm
MANILA, Philippines — Matapos ang magkakasunod na kabiguan, target ni Asian champion EJ Obiena na makaresbak sa pagsalang sa 2025 Bauhaus-Galan pole vault tournament na gaganapin sa Stockholm Olympic Stadium sa Sweden.
Hahataw si Obiena sa alas-11 ngayong gabi (oras sa Pilipinas) kung saan inaasahang ilalabas nito ang kanyang buong puwersa para makahirit ng podium finish.
Mapapalaban si Obiena sa matitikas na pole vaulters sa mundo kabilang na si world champion, world record holder at Olympic Games gold medalist Armand Mondo Dumplantis.
Hahataw din si Paris Olympics bronze medalist at world No. 2 Emmanouil Karalis ng Greece gayundin si Paris Games silver winner at world No. 3 Sam Kendricks ng United States.
Galing si Obiena sa masaklap na kampanya sa Oslo Bislett Games kung saan bigo itong makapasok sa Top 3.
Walang naitalang marka si Obiena kung saan sinubukan nito ang 5.62 metro subalit bigo ito sa kanyang tatlong pagtatangka. Kaya naman ‘no mark’ ang naitala nito sa score card.
“For everyone confused on the result. I no heighted. This is sports sometimes,” ani Obiena sa kanyang post sa Facebook.
Kamakailan lamang ay kumana ng gintong medalya si Obiena sa 2025 Asian Athletics Championships na ginanap sa Gumi, South Korea.
Ito ang ikatlong sunod na korona ni Obiena sa Asian meet kung saan nagtala ito ng 5.77 metro.
May personal best si Obiena na 6.0 metro.
Subalit sa season na ito, hindi pa umaabot si Obiena sa naturang marka.
- Latest