Kazakhs itinumba ng mga Pinay spikers

MANILA, Philippines — Tumuloy ang World No. 47 Alas Pilipinas sa semifinals ng 2025 AVC Women’s Volleyball Nations Cup matapos sapawan ang World No. 30 Kazakhstan, 25-21, 25-15, 25-19, para banderahan ang Pool B kahapon sa Hanoi, Vietnam.
Parehong nagtapos ang mga Pinay at Kazakhs spikers sa 4-1 record sa pagtiklop ng pool play.
Ngunit naagaw ng Alas Pilipinas ang No. 1 spot dahil sa kanilang 13 match points kumpara sa 12 ng Kazakhstan para labanan ang alinman sa Pool A top team at two-time defending champion Vietnam (3-0) o ang Chinese-Taipei (2-1) sa knockout semifinals ngayon.
Hangad ng tropa ni Brazilian coach Jorge Souza de Brito na malampasan o maduplika ang makasaysayan nilang 2024 Challenge Cup bronze-medal finish na tumapos sa 63 taong pagkauhaw ng bansa sa medalya sa AVC-sanctioned play.
“Mindset for semifinals is the same, play good and take every advantage that we can,” ani de Brito na siya ring gumiya sa Nationals noong nakaraang taon.
Niresbakan ng Alas Pilipinas ang Kazakhstan na sumibak sa kanila sa knockout semifinals sa 2024 edition.
- Latest