NLEX tumukod sa NorthPort

MANILA, Philippines — Binulilyaso ng NorthPort ang biyahe ng NLEX patungo sa No.1 seed, 113-108, para mapatid ang matagal na pagkauhaw sa panalo sa 2025 PBA Philippine Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Bumomba ng 40 puntos ang Batang Pier sa third quarter bago pigilan ang comeback ng Road Warriors sa dulo para mawakasan ang 8 sunod na kabiguan at makaangat sa 2-8 kartada.
Wagi ang NorthPort sa unang salang nito kontra sa Terrafirma, noon pang Abril subalit hindi nanalo sa lagpas 2 buwan at sa wakas nakabingit ng malaking isda papasok sa huling dwelo kontra sa isa pang paboritong SMB.
Tumabo ng double-double na 26 puntos, 15 rebounds, 2 assists at 2 steals si Cade Flores upang trangkuhan ang bigating upset ng mga bataan ni coach Bonnie Tan.
Tampok sa pamamayani ni Flores ang 2 krusyal na freethrows sa huling 6 na segundo upang selyuhan ang panalo ng NorthPort matapos malustay ang double-digit lead sa fourth quarter.
Sumuporta sa kanya sina Fran Yu at Calvin Abueva na may 21 at 19 puntos, ayon sa pagkakasunod, habang may 8 puntos, 12 rebouns at 3 steals naman si Joshua Munzon.
May ambag ding tig-7 puntos sina Evan Nelle at Jerrick Balanza habang may tig-6 puntos naman sina Allyn Bulanadi at Sydney Onwubere bago ito madale ng ankle injury.
- Latest