NLEX itinawid ni Bolick sa ika-6 dikit
MANILA, Philippines — Napigilan ng nagliliyab na NLEX ang comeback ng Converge, 88-83, upang masikwat ang ikaanim na sunod na tagumpay sa 2025 PBA Philippine Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig.
Muntik malustay ng Road Warriors ang 16-point lead sa fourth quarter bago akayin ni Robert Bolick sa crunchtime tungo sa 6-1 kartada upang makasosyo sa tuktok ng 12-team standings ang Magnolia.
Kumamada ng muntikang triple-double na 19 puntos, 7 rebounds at 10 assists sahog pa ang 1 steal at 1 tapal tampok ang huling 5 puntos ng Road Warriors upang maprotektahan ang winning streak nito na siyang pinakamainit sa All-Filipino tournament ngayon.
Nag-ambag ng 18 puntos si Xyrus Torres para sa mga manok ni coach Jong Uichico na nakatabla ang dating walang talong Magnolia sa No. 1 bago matalo sa Rain or Shine, 119-105.
Mainit ang naging ratsada ng NLEX sa 31-23 at kontrolado ang buong laro hanggang sa makapagpundar ng komportableng 76-60 abante papasok sa fourth quarter.
Dito na bumalikwas ang FiberXers sakay ng 15-2 birada upang makalapit sa 75-78 matapos ang lay-up ni Justin Arana.
Dikdikan ang 2 koponan subalit napanatili ng Road Warriors ang 83-78 na bentahe sa huling 2 minuto bago magpakawala ng 5 sunod na puntos si Bolick upang mailayo sa 88-80 ang laban na naging sapat sa kanilang tagumpay.
Laglag sa 5-4 kartada ang Converge para sa ika-7 puwesto.
- Latest