Gagate pararangalang Rookie of the Year sa PVLPC Awards Night
MANILA, Philippines — Igagawad kay middle blocker Thea Gagate ng ZUS Coffee ang Rookie of the Year award sa kauna-unahang Pilipinas Live PVL Press Corps Awards Night na idaraos sa Mayo 28 sa Novotel Manila Araneta City.
Matatandaang numero uno sa listahan ng mga teams si Gagate sa PVL Rookie Draft na ginanap noong nakaraang taon.
Kaya naman mapalad ang Thunderbelles na nahugot nito si Gagate na tunay na naasahan ng tropa sa kanilang kampanya sa nakalipas na season.
Malaki ang ambag ni Gagate na siyang tumulong sa ZUS Coffee para makapasok sa kanilang kauna-unahang quarterfinals appearance sa 2024-25 All-Filipino Conference.
Nagtala si Gagate ng 148.1 points para makuha ang Rookie of the Year award.
Pamumunuan naman ni two-time MVP Brooke Van Sickle ng Petro Gazz ang PVL Mythical Team kasama si Bernadeth Pons ng Creamline.
Sina Van Sickle at Pons ang Best Outside Hitters.
Kasama sa Mythical Team sina middle blockers Majoy Baron ng PLDT at Bea De Leon ng Creamline, Trisha Tubu ng Farm Fresh sa opposite, Gel Cayuna ng Cignal sa setter position at Alyssa Eroa sa libero.
Si Eroa rin ang Comeback Player of the Year.
- Latest