NLEX magpapatibay sa ‘twice-to-beat’
MANILA, Philippines — Palalakasin ng NLEX, Barangay Ginebra at Converge ang laban nila sa Top 4 sahog ang ‘twice-to-beat’ advantage, habang nais ng Blackwater na buhayin ang tsansa nito sa playoffs ng 2025 PBA Philippine Cup sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Unang magpapambuno ang Road Warriors at FiberXers ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang duwelo ng Gin Kings at Bossing sa alas-7:30 ng gabi para sa krusyal na double-header.
Solo sa segunda puwesto ang NLEX hawak ang 5-1 kartada subalit nasa likod lang ang Ginebra at Converge na may 4-2 at 5-3 rekord, ayon sa pagkakasunod.
Tanging ang Top 4 teams lang ang makakakuha ng ‘twice-to-beat’ incentives sa playoffs na siyang layon ng mga bataan ni coach Jong Uichico.
Kagagaling lang ng NLEX sa 117-87 panalo kontra sa kulelat na Terrafirma noong nakaraang linggo para maging pinakamainit na koponan sa liga sakay ng limang sunod na panalo.
Taob ang NLEX sa unang salang nito kontra sa San Miguel bago isa-isahin ang Rain or Shine, 109-95, TNT Tropang 5G 91-74, Blackwater, 80-72, at Ginebra.
Tangka nilang maisama ang Converge sa listahan subalit hindi papadaig ang FiberXers na armado rin ng 111-92 panalo kontra sa NorthPort.
Ang Gin Kings naman ni coach Tim Cone, sa kabilang banda ay may dalawang sunod na panalo kontra sa Converge, 85-66, at Phoenix, 119-112, upang maging lalong paborito kontra sa nanganganib na Bossing.
May 1-5 kartada ang mga manok ni coach Jeff Cariaso sa gitna ng dalawang sunod na pagkatalo matapos yumukod kontra sa reigning champion Meralco, 103-85, kamakalawa.
- Latest