Bolts pinigilan ang pagbulusok
MANILA, Philippines — Kinuryente ng reigning champion Meralco ang Blackwater, 103-85, upang makabalik sa winning column papasok sa krusyal na bahagi ng 2025 PBA Philippine Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Kumawala ang Bolts sa second quarter at hindi na nagpreno patungo sa 18-point win para maputol ang two-game losing skid at umangat sa 4-5 record.
Galing ang Bolts sa 92-117 at 84-101 kabiguan kontra sa Magnolia at TNT Tropang 5G, ayon sa pagkakasunod, para masadlak sa ibaba ng torneo bago makasungkit ng panalo upang manatiling nasa kontensyon ng playoffs.
Saktong nasa Top 8 ngayon ang mga bataan ni coach Luigi Trillo na ina-ajudst ang schedule sa All-Filipino tournament upang makapaghanda sa pagkatawan sa PBA sa Basketball Champions League Asia sa Hunyo.
Tumikada ng 19 points, 7 rebounds at 3 steals si Chris Newsome upang banderahan ang Meralco na determinadong madepensahan ang korona.
Nag-ambag ng 14 at 13 markers sina CJ Cansino at Chris Banchero, ayon sa pagkakasunod, upang mapunan ang kontirbusyon ni Cliff Hodge dahil sa suspensyon nito.
Nasuspinde ng isang laro si Hodge sahog pa ang P100,000 matapos ang hard foul kay Magnolia forward Zav Lucero na flagrant penalty 1 lang ang unang hatol bago i-upgrade ng PBA sa review.
Sa kawalan ni Hodge, nag-ambag din ng 12 at 10 points sina Raymar Jose at Brandon Bates, ayon sa pagkakasunod.
Nagpasiklab sina Christian David at Sedrick Barefield ng 24 at 23 points, ayon sa pagkakasunod, at may 11 markers si Richard Escoto para sa Bossing (1-5).
- Latest