E-Painters isusunod ang Tropang 5G
MANILA, Philippines — Susubok makabingwit ng isa pang malaking isda ang Rain or Shine kontra sa paboritong Talk ‘N Text sa 2025 PBA Philippine Cup ngayon sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
Parehong nagliliyab ang dalawang koponan hawak ang winning streaks sa kalagitnaan ng torneo kaya matira matibay sa main game sa alas-7:30 ng gabi pagkatapos ng duwelo sa pagitan ng reigning champion Meralco (3-5) at kulelat na Blackwater (1-4).
Katabla ng Elasto Painters ngayon ang Ginebra sa ikaapat na puwesto hawak ang 4-2 kartada sa dalawang sunod na panalo habang nasa likod lang nila ang Tropang 5G, sakay ng 3-game winning streak para makahabol sa 3-3 matapos ang maalat na simula.
Kagagaling lang ng RoS sa higanteng 119-105 panalo kontra sa Magnolia na nalasap ang unang kabiguan nito kaya siguradong nasa momentum kahit pa kontra sa TNT.
Bago iyon ay kinaldag din ng RoS ang Blackwater subalit higit sa kagustuhang mapalawig ang winning streak upang mapalakas ang tsansa sa Top 4 sahog ang twice-to-beat na bentahe ang misyon nila.
At iyon ang matamis na higanti dahil matatandaang sa dalawang sunod na semifinals ng Governors’ Cup at Commissioner’s Cup ay pinauwi ng TNT ang RoS.
Para makabawi ay sasandal ang mga manok ni coach Yeng Guiao kay PBA Press Corps Player of the Week Santi Santillan kasama sina Adrian Nocum, Andrei Caracut, Keith Datu, Caelan Tiongson at Jhonard Clarito.
Sa kabila nito, hindi basta-basta papasindak ang mga tropa ni coach Chot Reyes na armado ng 3 sunod na tagumpay para mapanatiling buhay ang Grand Slam matapos pagharian ang Govs’ Cup at Comm’s Cup.
Sadsad sa 0-3 ang hangarin na Grand Slam ng TNT pero mabilis na nakabawi nang daigin ang San Miguel, 89-84, Terrafirma, 110-74, at reigning All-Filipino champion Meralco, 101-84.
At walang balak magpaawat ang TNT kahit wala si Finals MVP Rey Nambatac dahil sa groin injury lalo’t makakaasa pa sa solidong tropa nina Calvin Oftana, Roger Pogoy, Poy Erram, Kelly Williams, Simon Enciso at Glenn Khobuntin.
- Latest