Lady Pirates ginulat ang Lady Generals
MANILA, Philippines — Gumapang ang Lyceum of the Philippine University upang ilista ang reverse sweep para payukuin ang Emilio Aguinaldo College, 15-25, 21-25, 25-22, 25-22, 15-13 sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa EAC Gym ng hapon.
Nagliyab sa opensa si Johna Denise Dolorito nang ilista ang 17 points mula sa 14 attacks at tatlong service aces habang nahirang na Best Player of the Game si Venice Puzon na naglagak ng 19 excellent sets at dalawang puntos.
Nag-ambag sina Ashley Muchillas at Joan Doguna para sa Lady Pirates na nirehistro ang 7-8 karta at saluhan sa No. 6 spot ang San Sebastian College - Recoletos.
Ipinaramdam ng Lady Generals ang kanilang lakas sa unang dalawang sets matapos nilang ratratin ang Lady Pirates.
Pero hindi basta nagpadaig ang Intramuros-based squad, hinawakan nila ang four-point lead sa set 3 upang maitakas ang mahirap na panalo at mapahaba ang kanilang hininga.
Nagpatuloy ang momentum ng Lyceum sa fourth set kaya nakuha nila ang panalo at nasagad nila ang laro sa deciding five set.
Mas naging mainit ang laro ng Lady Pirates, naghabol sila sa set 5 upang masikwat ang matamis na panalo.
Samantala, nakabalik na ulit sa magic four ang Arellano University matapos nilang kalusin sa limang sets ang University of Perpetual Help System Dalta, 19-25, 23-25, 25-22, 25-14, 19-18 sa unang laro.
Dahil sa panalo, inupuan ng Lady Chiefs ang No. 4 kalong ang 10-6 record, may dalawang laro pa silang natitira sa second round eliminations kaya may tsansa pa silang mapaganda lalo ang kanilang baraha.
- Latest