Bulldogs inangkin ang ika-5 sunod na korona

MANILA, Philippines — Patuloy na dinodomina ng National University ang UAAP men’s volleyball matapos nilang sikwatin ang titulo sa season 87 nang sakmalin nila ang Far Eastern University, 25-16, 28-26, 25-23 sa do-or-die Game 3 finals kahapon na nilaro sa SM Mall of Asia Arena.
Napalaban ng todo ang Bulldogs bago kinumpleto ang five-peat dahil ngayon lamang umabot sa rubber match ang kanilang laro.
Puro sweep ng NU ang best-of-three finals nila noong Seasons 80, 81, 85, at 86, sila ang unang team sa Final Four era na nagkampeon ng limang sunod.
Nagsanib-puwersa sa opensa sina Leo Ordiales at Rwenzmel Taguibolos para sa NU na nasilayan ang tikas ng 14, 517 fans na nanood ng live sa MOA Arena.
Tumikada si Ordiales ng 13 points mula sa 10 attacks at tatlong blocks, 10 ang kinana ni Taguibolos habang tig- siyam ang binakas nina Michaelo Buddin at Leo Aringo Jr. para sa Bulldogs.
Muling pinatunayan ng Bulldogs ang kanilang tikas sa dikdikang labanan, lalo na at naunahan sila sa Game 1, bumangon at kinahon ang Games 2 at 3.
Dahil sa panalo, kinubra ng NU ang walong kampeonato ngayong season kasama ang women’s volleyball, women’s basketball, women’s beach volleyball, men’s tennis, men’s badminton, baseball, at women’s taekwondo kyorugi.
Nirehistro ni Zhydryx Saavedra ang 24 markers kasama ang 21 kills at tatlong blocks pero hindi sapat upang itaguyod sa panalo ang Morayta-based squad.
- Latest