Hotshots lalapit sa twice-to-beat

MANILA, Philippines — Mamumuro sa twice-to-beat na bentahe ang lider na Magnolia kontra sa palaban na Rain or Shine sa umiinit na 2025 PBA Philippine Cup ngayon sa Ynares Sports Center sa Montalban, Rizal.
Magpapangbuno ang wala pang galos na Hotshots (6-0) at Elasto Painters (3-2) sa alas 7:30 ng gabi para sa main game ng out-of-town double-header pagkatapos ng sagupaan ng San Miguel (4-2) at Terrafirma (1-6).
Solo ngayon sa tuktok ng standings ang Magnolia na hindi pa natatalo sa anim na salang at kung magwawagi uli ay magiging komportable na sa Top 4 na siya lamang mabibiyaan ng twice-to-beat incentives sa quarterfinals.
Nakalapit ang mga bataan ni coach Chito Victolero dito matapos putulan ng kuryente ang reigning champion na Meralco, 117-92, kamakalawa sa Ninoy Aquino Stadium.
Maliban sa dikit na 98-95 panalo kontra sa San Miguel, tambak ang 5 ibang panalo ng Hotshots upang patunayan ang hangarin nitong makabawi sa All-Filipino tourney matapos maagang malaglag sa Commissioner’s Cup at sa Governors’ Cup.
Aaasa si Victolero kay Paul Lee na bumalik ang angas kontra sa Meralco matapos uminda ng meniscus injury noong nakaraang conference sa pagliyab sa 27 puntos sahog ang 4 na four-point shots.
Aalalay sa kanya sina Zav Lucero, Ian Sangalang, Mark Barroca, Calvin Abueva, Rome Dela Rosa at Jerom Lastimosa.
Bigating paborito ang Magnolia subalit hindi basta-basta titiklop sa kanila ang Rain or Shine sa gabay ng beteranong mentor na si Yeng Guiao.
Sasakay ang Elasto Painters sa momentum ng 120-106 panalo kontra sa Blackwater noong nakaraang linggo sa pangunguna nina Keith Datu, Adrian Nocum, Gian Mamuyac, Jhonard Clarito, Andrei Caracut, Santi Santillan at Caelan Tiongson.
- Latest