Knicks vs Pacers sa East Finals

NEW YORK - Umiskor sina Jalen Brunson at OG Anunoby ng tig-23 points para banderahan ang Knicks sa 119-81 pagsibak sa Boston Celtics sa Game 6 ng kanilang Eastern Conference semifinals series.
Naglista si Mikal Bridges ng 22 points at humakot si Karl-Anthony Towns ng 21 markers habang kumolekta si Josh Hart ng triple-double na 10 points, 11 rebounds at 11 assists.
Tinapos ng New York ang kanilang duwelo ng Boston sa 4-2 para sumampa sa conference finals matapos ang 25 taon at labanan ang Indiana Pacers.
“It’s a great win. We advance. You look at that, but you also understand you have to get ready for the next series,” ani Knicks coach Tom Thibodeau. “The Pacers are a terrific team and we’re going to have to be ready.”
Pinatalsik ng Indiana ang Cleveland Cavaliers sa kanilang semis showdown.
Umiskor si Jaylen Brown ng 20 points para sa Celtics na ang leading scorer na si Jayson Tatum ay nagkaroon ng isang ruptured Achilles tendon sa Game 4.
Tuluyan nang ipinahinga ni Boston coach Joe Mazzulla ang kanyang mga starters sa third quarter nang matambakan sila ng 41 points ng New York.
Isang 13-3 atake ang ginawa ng Knicks para ilista ang 49-27 abante sa dulo ng second period patungo sa 64-37 halftime lead.
- Latest