Pacquiao tuloy ang laban matapos matalo sa eleksyon
MANILA, Philippines — Itutuloy ni Pinoy boxing icon Manny Pacquiao ang kanyang laban matapos madiskaril sa katatapos lamang na national elections.
Inaasahang pormal na ihahayag ni Pacquiao ang kanyang paghahamon kay American Mario Barrios para sa suot nitong World Boxing Council (WBC) welterweight title sa Hulyo 19 sa Las Vegas, Navada.
Nauna na itong inihayag ni WBC president Mauricio Sulaiman kamakailan.
“Tuloy ang laban. Tuloy ang serbisyo. Para sa Diyos. Para sa bayan. Para sa bawat Pilipino,” wika ni Pacquiao sa isang statement.
Bigo ang 46-anyos na dating world eight-division champion na makapasok sa Final 12 sa Senate race matapos pumuwesto sa No. 18.
Hangad sana ni ‘Pacman’ na makabalik sa Senado matapos matalo sa presidential derby noong 2022 kung kailan siya nagretiro sa professional boxing.
“Mula sa aking puso, maraming salamat,” wia ni Pacquiao. “Hindi man ako nagtagumpay sa pagtakbo sa Senado, lubos ang aking pasasalamat sa bawat boto, dasal, at suporta.”
Target ni Pacquiao (68-8-2, 39 KOs) ang hawak na WBC belt ng 29-anyos na si Barrios (29-2-1, 18 KOs) sa kanilang title fight.
Huling lumaban si Pacquiao noong Agosto ng 2021 kung saan siya natalo kay Cuban Yordenis Ugas via unanimous decision para sa WBA welterweight crown.
Nakasaad sa WBC na maaaring humiling ng title fight ang isang dating kampeon matapos magretiro.
Si Pacquiao ay kasalukuyang No. 5 sa WBC rankings.
- Latest