Eala, Gauff yuko sa Italian Open doubles
MANILA, Philippines — Bigo sina Alex Eala at Coco Gauff na masundan ang kanilang matikas na kampanya matapos matalo sa quarterfinals ng 2025 Italian Open women’s doubles na ginaganap sa Rome, Italy.
Umani sina Eala at Gauff ng 5-7, 6-3, 10-7 desisyon kontra kina No. 3 seed Sara Errani at Jasmine Paolini ng Italy.
Tumagal ang laro ng isang oras at 36 minuto.
Maganda ang simula nina Eala at Gauff nang kunin nito ang 5-3 kalamangan. Subalit mainit ang resbak nina Errani at Paolini nang maglatag ito ng solidong laro para makuha ang first set.
Nakabalik sa porma sina Eala at Gauff sa second set para maitabla ang laro sa 1-1 at maipuwersa ang super tiebreak.
Naging pukpukan ang laban sa tiebreak kung saan palitan ng magagandang atake ang dalawang pares na nauwi pa sa 6-6 pagtatabla.
Mas naging agresibo sa net sina Errani at Paolini para itarak ang 4-1 run at makuha ang panalo.
Masaya si Eala na makapares si Gauff dahil marami itong natutunan sa American player na kasalukuyang nasa No. 3 sa world ranking ng WTA.
Hanga rin si Gauff sa solidong laro ni Eala sa kanilang unang pagtatambal.
Kaya naman hindi malabo na muling maulit ang pagpapares ng dalawa sa doubles sa mga susunod na torneo.
Ang pagsabak ni Eala sa Italian Open ay bahagi ng paghahanda nito para sa 2025 French Open sa Paris, France kung saan sasabak agad ito sa main draw dahil sa kanyang mataas na ranking sa WTA.
Kasalukuyan itong nasa No. 64 sa WTA live rankings na inaasahang tataas pa sa oras na makalikom ito ng panalo sa kaniyang mga susunod na torneong lalahukan.
- Latest