Cone out sa SEA Games?
MANILA, Philippines — Posibleng hindi hawakan ni veteran mentor Tim Cone ang Gilas Pilipinas na sasabak sa 2025 Southeast Asian Games na gaganapin sa Disyembre sa Bangkok, Thailand.
May ilang punto na tinukoy si Cone na isa sa mga dahilan nito para tanggihan ang coaching ng Gilas Pilipinas sa SEA Games.
Una na ang schedule dahil kasabay ng SEA Games ang kumperensiya ng PBA sa Disyembre.
Nais ni Cone na isentro ang atensiyon nito sa coaching job nito sa Barangay Ginebra sa halip na hawakan ang Gilas Pilipinas sa SEA Games.
Maaari lamang na matuloy si Cone sa SEA Games kung magkakaroon ang PBA ng pahinga para bigyang-daan ang partisipasyon ng Gilas Pilipinas sa biennial meet.
Magiging malaking problema rin para sa Samahang Basketbol ng Pilipinas ang pagbuo ng national pool para sa SEA Games.
Hindi kasama ang SEA Games sa kalendaryo ng FIBA kung saan nagkakaroon ng break ang mga international leagues para sa mga FIBA events.,
Dahil dito, hindi maaaring makaalis ang mga miyembro ng Gilas Pilipinas pool sa kani-kanyang mother teams lalo na ang mga naglalaro sa abroad gaya ng Japan B.League at Korean Basketball League.
Isa sa posibleng maging solusyon ang pagkakaroon ng break ng PBA para sa SEA Games kung saan maaaring makakuha ng mga players mula sa liga na siyang kakatawan sa bansa sa Thailand Games.
Mas magiging madali ito para kay Cone dahil maaaring kunin nito ang ilan sa mga players nito sa Barangay Ginebra at iba pang PBA players na sanay na sa kanyang sistema kasama ang kasalukuyang miyembro ng Gilas pool.
Naging assistant coach si Cone ng Gilas na sumabak sa 2023 SEA Games sa Cambodia kung saan nabawi ng Pilipinas ang korona sa men’s basketball.
Sa ngayon, tututukan muna ni Cone ang partisipasyon ng Gilas sa FIBA Asia Cup na idaraos sa Agosto sa Jeddah, Saudi Arabia.
“My focus right now is the FIBA Asia Cup,” ani Cone.
Paghahandaan din ng Gilas Pilipinas ang FIBA World Cup Asian Qualifiers na magsisimula sa Oktubre.
- Latest