Back-2-back sa NU

Kampeon sa UAAP season 87
MANILA, Philippines — Sinakmal ng National University ang kauna-unahang back-to-back titles matapos nilang lampasuhin ang De La Salle University, 25-19, 25-18, 25-19 sa Game 2 ng UAAP Season 87 women’s volleyball tournament best-of-three finals na nilaro sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City kahapon.
Nagsanib puwersa si three-time Most Valuable Player Mhicaela “Bella” Belen at Alyssa Jae Solomon upang masiguro ang pagsilo ng Lady Bulldogs ng korona at hindi na maulit ang masaklap na naranasan nila noong magkita sila ng Lady Spikers sa finals sa Season 85.
Nasalto kasi ng DLSU ang asam ng NU na back-to-back champion noong 2023 at ngayon ay nakabawi na ang Lady Bulldogs.
Kumana si Belen ng 18 points habang nagtala si Solomon ng 13 markers lahat galing sa kills upang tulungan ang NU na sikwatin ang pangatlong korona sa apat na seasons.
Mabangis na sinimulan ng NU ang laban nang hatawin nila ang panalo sa unang dalawang sets.
Mas lalong naging mabalasik ang Lady Bulldogs sa third frame kaya hindi na nakasagot ng panalo ang Lady Spikers.
Maliban kina Belen at Solomon, tumulong din sa opensa para sa NU si Evangeline Alinsug matapos ilista ang 10 points habang pito ang inambag ni Erin may Pangilinan.
Samantala, ikatlo si Belen sa mga manlalaro sa women’s UAAP na naka tatlong season MVP kaya masaya ang pagtatapos ng 22-anyos netters ng kanyang collegiate career.
Si Belen din ang kauna-unahang kumubra ng Rookie-MVP noong 84th season, nakaraang taon ay nahirang din siyang Season 86 MVP.
Unang gumawa ng nasabing three-MVP performance ay si Far Eastern University Lady Tamaraws star Ailyn Ege noong 63rd hanggang 65th season.
Makalipas ang ilang taon ay sinundan ito ni Alyssa Valdez ng Ateneo Blue Eagles, naging MVP sa 76th, 77th at 78th season.
- Latest