District One nanguna sa 1st Leg Locally Bred race
MANILA, Philippines — Napalaban ang District One bago nasungkit ang korona sa 2025 PHILRACOM “1st Leg Locally Bred Stakes Race” na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas, Linggo ng gabi.
Kumaripas sa largahan ang M Butterfly at Pine Noveau pero sinundan agad ito ng liyamadong District One kaya naman nagkapanabayan ang tatlo sa unahan sa unang likuan.
Pagdating sa kalagitnaan ng karera ay ang District One at M Butterfly na lamang ang nagbabakbakan sa unahan.
Pagsapit ng far turn ay pinaungos na ni reigning back-to-back Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year, John Alvin Guce ang District One, nakalamang agad ito ng dalawang kabayo sa humahabol na M Butterfly.
Umungos pa sa apat na kabayo ang bentahe ng District One sa home turn pero biglang dumagundong ang Tasha sa rektahan.
Dumikit ng bahagya ang Tasha sa huling 100 metro ng karera kaya naman malakas na hataw ng latigo ang pinadampi ni Guce sa katawan ng District One at nanatili ito sa unahan.
Tinawid ng District One ang meta ng may isang kabayo ang lamang sa Tasha sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Nirehistro ng District One ang tiyempong 1:43.4 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ang P600,000 premyo habang P200,000 ang kinita ng pumangalawang Tasha.
- Latest