Eala, Gauff tatarget ng QF seat sa Italian Open
MANILA, Philippines — Pakay nina Pinay netter Alex Eala at American player Coco Gauff na makasiguro ng quarterfinals spot sa Italian Open women’s doubles ngayong araw.
Haharapin nina Eala at Gauff sina Lisa Pigato at Tyra Caterina Grant ng Italy sa Round-of-16 ng torneo ngayong araw.
Hangad nina Eala at Gauff na madugtungan ang magandang simula nito kung saan inilampaso ng dalawa sina Russian Alexandra Panova at Hungarian Fanny Stollar sa pamamagitan ng 6-3, 6-1 demolisyon noong Sabado.
Ito ang unang pagsasama nina Eala at Gauff sa doubles.
Ikinuwento ni Gauff kung paano sila nagtagpo ni Eala.
Ayon kay Gauff, nagpadala si Eala sa kanya ng mensahe sa social media account nito kung saan inalok ng Pinay netter na makapares nito ang American player sa doubles.
Hindi naman nagdalawang isip pa si Gauff at agad nitong tinanggap ang alok ni Eala.
“She slid in my DMs and asked me to play. And I was like, sure. Why not?” ani Gauff sa isang panayam ng The First Serve.
Inamin ni Gauff na hindi sila orihinal na magkakilala ni Eala.
“We really didn’t know each other, honestly, before in Madrid, I said hi to her for the first time,” ani Gauff.
Sa kabila nito, hindi nakitaan ng problema ang dalawa dahil agad itong nagkaroon ng magandang samahan sa loob at labas ng court.
- Latest