NU mas determinado sa La Salle
MANILA, Philippines — Parehong nakitaan ng determinasyon ang defending champion National University at De La Salle University nang magharap sila sa Game 1 ng best-of-three finals sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament noong Linggo ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Lumapit ang Lady Bulldogs sa pagsikwat ng unang back-to-back titles matapos hatawin ang 25-17, 25-21, 13-25, 25-17 panalo.
Ipinaramdam ng NU ang kanilang lakas sa unang dalawang sets matapos angkinin ang panalo, namuro sila sa pagwalis sa La Salle.
Pero lumabas din ang pagiging kampeon ng DLSU, hindi sila nagpatinag basta kaya nasungkit ang panalo sa set 3 at makahirit ng fourth set.
“Up kami ng two sets and then nakuha ng La Salle yung third,” ani ng pambato ng NU na si Mhicaela Belen, “Sabi ko lang na kailangan namin pagtrabahuhan every point kasi hindi ibibigay sa amin basta-basta yung game, kailangan namin paghirapan,”
Bumira si Belen ng 19 markers at 15 excellent digs sa panalo ng Lady Bulldogs sa Game 1 pero ang naging susi ay ang kinamada ni Evangeline Alinsug na season-high 21 attack points.
“Happy kami na makuha ang Game 1 na pinakaimportante. Tuluy tuloy lang kasi nagbunga ang six games na training namin,” sabi ni Alinsug.
Kaya naman mas magiging makapigil hiningang bakbakan ang masisilayan ng mga volleyball fans sa Game 2 bukas ng alas-5 ng hapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
- Latest