Vinalot Eyu wagi sa 1st Leg Triple Crown
MANILA, Philippines — Lupaypay ang balikat ng mga liyamadista nang manalo ang Vinalot Eyu sa 2025 PHILRACOM “1st Leg Triple Crown Stakes Race” na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Nasilayan agad ang bilis ng fourth choice favorite sa largahan ng sabayan nito ang kumakaskas na Zoom In, nagkapanabayan ang dalawa sa kaagahan ng karera.
Bentahe ng kalahating kabayo ang Zoom In sa Vinalot Eyu sa kalagitnaan ng karera habang papalapit sa kanila ang Mastery at Constatic Offer.
Pagdating ng far turn ay unti unting lumalayo ang Vinalot Eyu kaya naman pagsapit ng huling kurbada ay nasa dalawang kabayo na ang agwat nito sa pumapangalawang Constatic Offer.
Pinilit ng Constatic Offer na lumapit sa Vinalot Eyu sa rektahan pero nanatiling matikas ang winning horse.
Tinawid ng Vinalot Eyu ang meta ng may kalahating kabayo ang agwat sa pumangalawang Constatic Offer, tumersero ang Parade King habang pumang-apat ang Mastery.
Ginabayan ni Mark Angelo Alvarez, nirehistro ng Vinalot Eyu ang tiyempong 1:42.2 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ang P2.1M ng winning horse owner na si Melaine C. Habla.
- Latest