NU nakauna

MANILA, Philippines — Nirehistro ni Evangeline Alinsug ang career-high 21 points upang akayin ang defending champion National University sa 25-17, 25-21, 13-25, 25-17 panalo kontra De La Salle University sa Game 1 ng UAAP Season 87 women’s volleyball tournament best-of-three finals na nilaro sa Smart Araneta Coliseum kagabi.
Lahat galing sa spikes, ipinakita ni Alinsug sa 15,192 fans na nanood ng live sa makasaysayang “The Big Dome” ang kanyang tikas upang ilapit ang Lady Bulldogs sa pagsilo ng titulo.
Sumadsad sa unang dalawang sets ang Lady Spikers, lumabas din ang pagiging kampeon nila sa pangunguna ni Angel Anne Canino nang sumagot sila ng panalo sa set three matapos makalamang ng 11 points, 17-6.
Subalit hindi nasira ang diskarte ng Lady Bulldogs, nakipagtulungan si Alinsug kina Mhicaela “Bella” Belen at Alyssa Jae Solomon upang ipinaramdam ang pagiging beterana sa mga dikdikang labanan at makuha ang panalo sa fourth set.
Tumikada si Belen ng 19 markers mula sa 17 attacks at dalawang service aces para sa NU na pagkakataon nilang mabingwit ang back-to-back titles sa Miyerkules sa SM Mall of Asia Arena.
Kumana si Solomon ng siyam na puntos habang may pito at anim na markers ang binakas nina Alexa Nichole Mata at Erin May Pangilinan para sa NU, ayon sa pagkakasunod.
Nagtala naman si Canino ng 22 markers habang tumipa si Shevana Maria Nicola Laput ng 16 points kasama ang 11 kills, apat na blocks at isang service ace pero hindi pa rin sapat para itaguyod sa panalo ang Taft-based squad.
Kailangan ng Lady Spikers na masungkit ang panalo sa Game 2 upang makahirit sila ng do-or-die Game 3.
Samantala, isang hakbang na lang para sa Far Eastern University at makukuha nila ang kampeonato sa men’s division matapos nilang suwagin ang NU, 22-25, 25-22, 13-25, 25-22, 15-13, sa Game 1.
Humarabas si FEU ace spiker Dryx Saavedra ng 25 points mula sa 21 attacks, tatlong blocks at isang ace upang mabingwit ang panalo.
- Latest