2-1 lead nilapa ng Timberwolves

SAN FRANCISCO — Nagtambal sina Anthony Edwards at Julius Randle sa dulo ng fourth period para tulungan ang Minnesota Timberwolves sa 102-97 panalo sa Golden State Warriors sa Game 3 at agawin ang 2-1 lead sa kanilang Western Conference semifinals series.
Isinalpak ni Edwards ang isang baseline three-pointer sa huling 1:19 minuto ng laro at tumapos na may 36 points habang humakot si Randle ng triple-double na 24 points, 12 assists at 10 rebounds para muling pamunuan ang Timberwolves.
Nagkadena si Jimmy Butler ng 33 points, 7 assists at 7 rebounds at may 30 markers si Jonathan Kuminga sa panig ng Warriors na naglaro na wala si injured Stephen Curry.
“We need it all. We needed everything from Julius, his hustle plays,” sabi ni Minnesota coach Chris Finch kay Randle. “Sometimes he does a great job of just kind of chasing down rebounds and stuff like this. We needed it all.”
Angat ng limang puntos ang Golden State Warriors sa fourth quarter bago nagtuwang sina Edwards at Randle.
Tatangkain ng Warriors na makatabla sa Timberwolves sa pamamahala nila sa Game 4 bukas sa Chase Center.
Sa New York, nagkuwintas si Jayson Tatum ng 22 points, 9 rebounds sa 115-93 pagresbak ng nagdedepensang Boston Celtics sa Knicks sa Game 3 at ilapit sa 1-2 ang kanilang Eastern Conference semifinals showdown.
Umiskor si Payton Pritchard ng 23 points para ibangon ang Boston mula sa 0-2 pagkakabaon sa kanilang duwelo ng New York.
- Latest