Lady Cardinals umakyat sa No. 4
MANILA, Philippines — Umusad sa No. 4 spot ang Mapua University matapos silang akbayan ni Freighanne Seanelle Garcia sa 25-17, 25-23, 25-19 panalo kontra University of Perpetual Help System DALTA sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament kahapon sa FilOil Arena sa San Juan City.
Kumana si Garcia ng 17 points mula sa 15 attacks, isang block at isang service ace upang tulungan ang Lady Cardinals na ilista ang 8-5 karta at mapalapit sa semifinals seat.
Bumakas sa opensa para sa Mapua sina Raissa Janel Ricablanca at Alyana Nicole Ong na kumamada ng 14 at walong puntos, ayon sa pagkakasunod.
Bukod sa Final Foul, asam din ng Intramuros-based squad na makakuha ng ‘twice-to-beat’ advantage sa semis.
At dahil marami pang larong nalalabi at dikit lang ang labanan sa team standings ay malaki ang tsansa ng Mapua na masungkit ang isang bonus.
Nasa pang-apat ang Lady Cardinals, solo sa tuktok ang Letran Lady Knights na may 10-2 baraha, pangalawa ang defending champion St. Benilde Lady Blazers tangan ang 9-2 record at pangatlo ang Arellano Lady Chiefs na may 8-4 marka.
Sunod na laro ng Mapua sa Linggo kontra sa San Beda.
Nalasap naman ng Lady Alatas ang pang-limang talo sa 12 laro at nakahugot kay Shaila Allaine Omipon ng 10 markers.
- Latest