Lakers delikado na sa Timberwolves

MINNEAPOLIS — Kinumpleto ni Jaden McDaniels ang isang three-point play sa huling 39.5 segundo at inagaw ang isang inbounds pass mula kay LeBron James para sa 116-113 panalo ng Minnesota Timberwolves sa Los Angeles Lakers sa Game Four at iposte ang 3-1 lead sa kanilang Western Conference first-round series.
Nagpasabog si Anthony Edwards ng 43 points para banderahan ang Timberwolves sa paglapit sa semifinals.
Nakahugot si Edwards ng foul kay James sa huling 10 segundo at naipasok ang dalawang free throws para lusutan ang Lakers na bigong maitulak ni Austin Reaves sa overtime matapos ang mintis na three-point attempt.
Nagdagdag si Julius Randle ng 25 points para sa Timberwolves.
Umiskor si Doncic ng 38 points para pamunuan ang Lakers na nakahugot kay James ng 27 points at 12 rebounds.
Sa Detroit, kumonekta si Karl-Anthony Towns ng isang triple sa huling 46.6 segundo at tumapos na may 27 points sa 94-93 pagtakas ng New York Knicks sa Pistons at itayo ang 3-1 bentahe sa serye.
Sa Orlando, kumamada si Jayson Tatum ng 37 points at may 21 markers si Jaylen Brown sa 107-98 panalo ng nagdedepensang Boston Celtics sa Magic at agawin ang 3-1 abante sa kanilang duwelo.
Sa Milwaukee, bumira si Myles Turner ng 23 points sa 129-103 paggiba ng Indiana Pacers sa Bucks para angkinin ang 3-1 lead sa kanilang giyera.
- Latest