Dumalawa si Cajucom

Tour of Luzon: ‘Great revival’
CLARK, Philippines — Hinirang si Ean Cajucom ng Victoria Sports Cycling Team bilang unang back-to-back stage champion ng 2025 MPTC Tour of Luzon.
Ito ay matapos magsumite si Cajucom ng bilis na tatlong oras, 32 minuto at 45 segundo para pagharian ang 168.76-km Stage 4 na nagsimula sa Eagle of the North sa Agoo, La Union at nagtapos sa Filinvest Mimosa Acacia Drive sa Clark, Pampanga kahapon dito.
Inunahan ng 22-anyos na tubong Marikina City sa finish line sina Mervin Corpuz ng MPT Drivehub Cycling Team at Aidan James Mendoza ng Go for Gold Philippines.
“Nasa plano talaga namin na kunin iyong stage win ngayon,” sabi ni Cajucom. “Maganda iyong panahon at naging maganda rin iyong plano ng team. Salamat din sa mga ka-group ko na talagang 100 percent nagtrabaho para sa stage na ito.”
Kumawala si Cajucom mula sa isang malaking peloton para habulin ang eight-man lead group sa Dau, Pampanga hanggang rumatrat pagsapit ng Clark.
Nauna nang itinakas ni Cajucom ang panalo sa 135-kilometer Stage 3 sa eight-stage race na inihahandog ng DuckWorld PH at Cignal katuwang ang Pilipinas Live, Meralco, Maynilad, Metro Pacific Health, Megaworld, Landco, PLDT at Smart.
Nakatakdang bitawan ngayong umaga ang 166.65 Clark-Clark (via New Clark City) Stage 5.
Samantala, napanatili ni Stage 1 winner Joo Dae Yeong ng Gapyeong Cycling Team ang pagbandera sa individual general classification sa hawak na 10:37:12 kasunod sina Ronald Oranza (-0:04:32) ng Standard Insurance Philippines at Mendoza (-0:04:36) ng Go for Gold, Dominic Perez (-0:04:43) ng Exodus Army Cycling Team at Corpuz (-0:04:44) ng MPT Drivehub.
Todo-kapit din ang Standard Insurance Philippines nina Oranza at Jan Paul Morales sa liderato ng team general classification sa kanilang total record na 42:49:24.
- Latest