San Beda nakatikim ng panalo; Arellano umusad sa semis
MANILA, Philippines — Nagtulungan sa opensa sina Angel Mae Habacon at Janelle Bachar upang akbayan ang San Beda University na sikwatin ang unang panalo matapos sakmalin ang San Sebastian College-Recoletos, 21-25, 25-23, 25-16, 25-13 sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil Arena sa San Juan kahapon.
Tumikada si Habacon ng 25 points habang 20 markers ang binakas ni Bachar para sa Lady Red Spikers na nilista ang 1-10 karta.
Umahon ang Mendiola-based squad mula sa pagkakalubog sa set 1, uminit ang opensa nina Habacon at Bachar para harurutin ang tatlong natitirang frames.
Naka-iskor din si Erin Feliz Navarro ng 12 markers mula sa pitong attacks, tatlong blocks at dalawang service aces para sa Lady Red Spikers habang 10 ang kinana ni Reyann Canete.
Samantala, nakasampa na sa magic four ang Arellano University matapos nilang kalusin ang Mapua University 26-28, 25-14, 22-25, 25-23, 15-10, sa ikalawang laro.
Tumikada si Laika Tudlasan ng 26 points lahat galing sa spikes upang ilista ang 7-4 karta para sa Lady Chiefs at saluhan sa No. 3 spot ng team standings ang University of Perpetual Help System DALTA at ang kanilang biktima.
Nalagay sa alanganing sitwasyon ang Lady Chiefs nang maghabol sila ng isang set matapos ang third frame, subalit nag-init ang opensa nina Tudlasan at Marianne Lei Angelique Padillon upang sikwatin ang panalo sa set 4 at makahirit sila ng deciding fifth set.
Dahil sa panalo ng Arellano, mas naging mainit ang labanan sa top four, puwede pang makahabol sa tuktok ang Lady Chiefs, Lady Cardinals at Lady Altas.
Nag-aagawan sa top spot ang defending champion College of Saint Benilde at Letran na may tig-9-2 baraha.
- Latest